Isang Hakbang Tungo sa Kinabukasang Minimithi


Noong bata pa ako, madalas akong mangarap ng mga bagay na tila mahirap maisakatuparan, tulad ng magkaroon ng magagarang sasakyan, mamahaling mga gamit, at maranasan ang marangyang buhay. Ngunit habang lumilipas ang panahon, unti-unti kong napagtanto na hindi kayamanan o luho ang tunay na nagbibigay ng saysay sa buhay, kundi ang maliliit na bagay na nagdadala ng ligaya sa puso, ang matatamis na halakhak ng pamilya, ang mahigpit na yakap ng kaibigan, at ang pakiramdam ng pagiging kumpleto sa piling ng mga mahal sa buhay.

Ngayon, nagbago na ang aking pananaw sa buhay. Ang aking pangarap ay hindi na nasusukat sa materyal na bagay kundi sa simpleng hangarin: ang mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya, makapagtapos ng pag-aaral, maabot ang aking pangarap kasama ang aking mga kaibigan, at mamuhay nang simple ngunit puno ng kasiyahan.

Ako nga pala si Gienne Oliver L. Lazaro, o mas kilala bilang “Gieo,” isang estudyanteng walang sawang nangangarap na maitaguyod ang magandang kinabukasan ng aking pamilya. Para sa iba, maaaring isa lamang itong pangkaraniwang pangarap, ngunit para sa akin, ito ay isang malaking tagumpay, ang maibalik sa kanila ang lahat ng sakripisyong ibinuhos nila para sa akin mula pa noong ako'y bata.

Ano man ang pagsubok na dumaan sa aking landas, kailanman ay hindi ako magpapadaig. Alam kong sa bawat hakbang na aking tatahakin, laging nariyan ang aking pamilya na handa akong alalayan, maging sandalan, at maging lakas sa mga panahong ako’y pinanghihinaan ng loob.

Pangarap ko ring makapagtapos ng kursong may kaugnayan sa medisina, hindi lamang upang masuklian ang paghihirap ng aking pamilya kundi upang makatulong din sa aking kapwa. Naniniwala akong ang tunay na tagumpay ay hindi lamang tungkol sa sarili nating pag-angat kundi pati na rin sa kung paano natin natutulungan ang iba.

Sa mundong walang permanente, pangarap ko rin ang makita ang tagumpay ng aking mga kaibigan, na sabay-sabay kaming aangat, magtatagumpay, at magsusuportahan sa isa’t isa. Sa bawat pagsubok at kasiyahan, sila ang aking kasama, at sila rin ang nagpapaalala sa akin na hindi ako kailanman nag-iisa. Sila ang aking sandigan, ang aking pamilya sa puso, kahit hindi man kami magkadugo. Iisa ang aming pangarap, ang makamit ang tagumpay nang magkasama.

Isa rin sa aking mga pangarap ang malibot ang iba't ibang panig ng mundo, mula sa nakamamanghang kagandahan ng Europa hanggang sa kakaibang kultura ng Japan. Higit pa sa paglalakbay, nais kong masaksihan ang hiwaga ng mundo, maramdaman ang kagandahan ng kalikasan, at maranasan ang iba’t ibang kwento ng buhay mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Tulad ng isang katagang aking isinasabuhay: “Kapag napagod, magpahinga, huwag sumuko.” Hindi masama ang sandaling huminto upang magpahinga, ngunit kailanman ay hindi dapat maging opsyon ang pagsuko. Ang bawat pagsubok ay may hangganan, at bawat araw ay isang panibagong pagkakataon upang bumangon muli, magsikap, at patuloy na lumaban para sa pangarap.

Ano man ang hadlang na ating harapin, manatili tayong matatag. Dahil sa mundong puno ng kawalang-kasiguraduhan, ang tiyak lamang ay ang ating kakayahang lumaban at matuto mula sa bawat pagsubok. Ang bawat araw ay isang bagong simula, isang pahinang maaari nating sulatan ng bagong kwento, ng bagong pag-asa, at ng bagong pagkakataon upang isakatuparan ang ating mga pangarap.



Comments